BALAYONG, TALUSI, AT PIPIT-MOTAS
maganda minsang magbasa ng ating diksyunaryo
dahil samutsaring salita'y matatagpuan mo
tulad sa bunga't ibon, may lokal na tawag dito
na magandang magamit sa tula, pabula't kwento
sa pulo ng Palawan, may salitang tila bugtong
ang Palawan cherry ay tinatawag na balayong
ang Palawan hornbill ay talusi, uri ng ibon
at ang Palawan tit ay pipit-motas naman iyon
mga dagdag na kaalaman sa sariling wika
at sa kapwa makata ang nabatid na salita
ito rin ang tungkulin ko, ibahagi sa madla
ang mga katulad ng nabatid kong halimbawa
sa U.P. Diksiyonaryong Filipino, salamat
tunay kang sangguniang dapat naming mabulatlat
di lang kahulugan ang iyong isinisiwalat
kundi kultura at salitang nakapagmumulat
- gregoriovbituinjr.
05.09.2023
* pinaghanguan ay U.P. Diksiyonaryong Filipino, p.892
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento