LASENGGERO AT LASENGGO
anang ulat, kaybabata pa'y naging lasenggero
habang sa isang kolum, kaybabata ng lasenggo
ang nagsulat sa una sa wari ko'y Manilenyo
ang wika sa kolum ay lalawiganing totoo
kapwa salitang Tagalog subalit magkaiba
lasenggero't lasenggo'y pabata at pabata na
bagamat ulat ay nakababahala talaga
pagkat sa murang edad ay nagbabarik na sila
iba ang Tagalog-probinsya't Tagalog Maynila
sa lasenggero't lasenggo'y kita na nating sadya
bakit manginginom ay pabata na ng pabata
problema ba ng mga kabataa'y lumalala
ang isyung ito'y dapat tugunan at solusyunan
bago pa lumala't lumikha pa ng kaguluhan
ang lasenggero't lasenggo'y iba ang kaisipan
nawawala sa huwisyo pag nalangong tuluyan
* litrato mula sa pahayagang Pang-Masa, Mayo 2, 2024, pahina 2 at sa pahayagang Bulgar, Mayo 3, 2024, pahina 3
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento