SA LANDAS NG TATLONG BAYAN
Maikling kwento at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
Marahil ay magtataka ang iba pag nalaman nilang tatlong bayan itong tinatahak nang mamatay si Dad. Ang punerarya ay mula Nasugbu, ang burol ay sa Balayan, at ang libing ay sa Calaca.
Karaniwan kasi, pag namatay ay sa isang bayan lang ang nag-aasikaso, o kaya'y dalawang bayan, na ang bayan ay katabi ng isa pang bayan. Subalit kay Dad ay tatlo. May kwento kasi iyan.
Si Dad talaga ay taga-Balayan, subalit nagkaroon ng bahay sa isang barangay sa Nasugbu kung saan maraming kamag-anak na Bituin.
Sa pagitan ng Nasugbu at Balayan ay ang bayan ng Tuy (na binibigkas na Tu-Wi), na marami ring kamag-anakang Bituin, tulad sa Barangay Putol.
Nais naman ni Dad mailibing sa Calaca dahil doon din nakalagak ang mga labi ng Tatang, o Mamay (o lolo) Tura at Nanay (o lola) Tinay, na magulang ni Dad. Kung sa Balayan siya ilalagak ay solo lang siya, at makakasama niya marahil doon ay ang kanyang balae na si Ka Juani.
Iyan ang payak na kwento ng tatlong bayang may kaugnayan sa pagkamatay ni Dad.
SA LANDAS NG TATLONG BAYAN
tatlong magkakalapit na bayan ang tinatahak
nang mamatay si Ama na ang dulo'y ang paglagak
sa huling hantungan, daang aspaltado't di lubak
Nasugbu muna, Balayan sunod, huli'y Calaca
bakit ba tatlong bayan, ito'y may dahilang sadya
pagkat may kaugnayan kay Ama mula simula
ipinanganak si Ama sa bayan ng Balayan
at doon din nalagutan sa isang pagamutan
nais na sa Calaca malagak kasama'y Tatang
sa Nasugbu naman nakapagpatayo ng bahay
siyang nagsikap upang mapag-aral kaming tunay
bilang ama ng pamilya'y sadyang napakahusay
edad na walumpu't dalawa ay kanyang naabot
mapalad na tayo kung marating iyon ay bonus
04.16.2024
* litrato mula sa google
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento