Martes, Disyembre 16, 2025

Ang tungkulin bilang makatâ ng bayan

ANG TUNGKULIN BILANG MAKATÂ NG BAYAN

minsang tinuring na / makatâ ng bayan
nang tula'y binigkas / sa isang pagkilos
lagi iyon pag may / rali sa lansangan
pinaghahandaan / yaong isyu't datos

may ilang tungkuling / isinasabuhay
pag tinuring kang / makatâ ng bayan
suporta sa iyo'y / mahalagang tunay
upang tungkulin mo'y / iyong magampanan

agad saliksikin / ang isyu ng madlâ
sapagkat lalamnin / ng tulang gagawin
tutulâ sa rali / ng obrero't dukhâ
ang kanilang diwa't / puso'y pag-alabin

kayâ madalas na / may tugmâ at sukat
sa bawat taludtod/ ay biláng ang pantig
madaling araw pa'y / mumulat, susulat
kakathâ ng tula, / sa papel tititig

kung may kathang tulâ / ang mga kasama
humingi ng kopya / at aking tipunin
upang balang araw / ay maisasama
sa malalathalang / planong aklat na rin

matinding tungkulin / subalit marangal
gagawin ng husay / ang bawat gampanin
kakathâ akong may / buong pagmamahal
na para sa bayan, / tula'y bibigkasin

- gregoriovbituinjr.
12.16.2025

* salamat sa kasamang kumuha ng litrato    

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento