Lunes, Setyembre 30, 2019

Labanan ang mga taong plastik

tapon dito, tapon doon, naglutangan ang plastik
sa ilog at dagat nagtatapon ang taong plastik
sinabihan na silang huwag magtapon ng plastik
o-oo lang, magtatapon pa rin, talagang plastik

ilog at dagat ay dapat nating pangalagaan 
ingatan nating lagi ang ating kapaligiran
ang simpleng pagtatapon nga sa tamang basurahan
ay di pa magawa kahit ng may pinag-aralan

dapat nang ihiwalay ang basurang nabubulok
sa basurang nare-resiklo at di nabubulok
kaya natin itong gawin dahil di tayo bugok
kaya ibasura na natin ang sistemang bulok

kayraming isyu sa kalikasan, ilog at dagat
itatayo'y Kaliwa Dam, tubig daw ay di sapat
sa kaalaman ba't mga plano, sila ba'y salat
paninira sa kalikasan ay sadyang kaybigat

pangangalaga nito'y di sapat alam lang natin
dapat mayroong aktibong pagkilos tayong gawin
kalikasa'y depensahan, magandang simulain
ang nag-iisa nating mundo'y protektahan natin

- gregbituinjr.
* Kinatha sa pagtitipon ng grupong Green Convergence sa Environmental Studies Institute (ESI) ng Miriam College. Setyembre 30, 2019

Di ako de-kotse, paa lang ang gamit ko

aba'y di ako de-kotse, paa lang ang gamit ko
laging naglalakad di lang dahil ito ang uso
di kasi elitista, dukha ang buhay sa mundo
isang mamamayang walang pag-aaring pribado

buti't walang kotse, di gagamit ng gasolina
walang luho sa katawan, gamit ko lang ay paa
upang marating ang pupuntahan, walang disgrasya
basta't maingat sa bawat tatawiring kalsada

dapat kumain ng bitamina, maging matatag
sa mahabang lakaran, mineral din ay idagdag
kumain ng tama nang katawan ay di matagtag
magpahinga rin paminsan-minsan nang di mangarag

tulad kong di de-kotse'y mamamasahe lang minsan
di bumili ng kotse upang buhay ay umalwan
sa organisador tulad ko, paa'y kailangan
pagkat magaan ang pagkilos sa paroroonan

- gregbituinjr.

Linggo, Setyembre 29, 2019

Pag tinatakang "gera", ayos na bang pumaslang?

dahil ba tinatakan nila ng salitang "gera"
ang karapatang pantao'y binabalewala na?
karapatan ba ng kapwa mo'y wala nang halaga?
walang kara-karapatan dahil "gera sa droga"?

naglipana yaong ulupong sa pamahalaan
klima ng hilakbot ang pinaiiral sa bayan
ang makakita ng dugo'y kanilang kasiyahan
mga halimaw na wawasak sa iyong kalamnan

wala na nga ba silang alam kundi ang pumatay?
na animo'y baboy lang ang kanilang kinakatay
wala na ba silang pagpapahalaga sa buhay
ng kanilang kapwa, walang prosesong binibigay?

dahil tinatakan ng "gera", pwede nang pumaslang
aba'y ganyan ang nangyari sa bansang tinotokhang
hay, pag namumuno'y halimaw at bituka'y halang
dapat lang siyang patalsikin, palitan, dapat lang

- gregbituinjr.

Sa huling sandali ng buhay ko'y tutula pa rin

sa huling sandali ng buhay ko'y tutula pa rin
mga layunin sa uri't bayan ay tutuparin
sa pagsasamantala't pang-aapi'y tutol pa rin
katiwalian ay patuloy na tutuligsain

mamamatay akong layunin ko'y aking nagawa
na bawat isa'y nagkakaisa't mapagkalinga
na maorganisa bilang uri ang manggagawa
na kalikasan at paligid ay mapangalaga

mga tulang may adhika ay aking maiiwan
tulang kritikal, nakikibaka, para sa bayan
tulang para sa uring manggagawa, at palaban
na naglalarawan ng mga isyung panlipunan

tutula pa rin sa huling sandali ng buhay ko
ambag sa pagtatayo ng lipunang makatao
tutula laban sa mapang-aping kapitalismo
tulang lalaban sa pagsasamantala sa mundo

- gregbituinjr.

Sabado, Setyembre 28, 2019

Di maaaring buhay nati'y laging nasa piging

di maaaring buhay nati'y laging nasa piging
dahil tayo'y tagumpay sa ating napiling sining
na pulos ginto't mayayaman ang laging kapiling
ang luho'y balewala sa ating burol at libing

kung yumaman ka lang dahil sa pagsasamantala
ano ka? walang budhing mapang-api't mapangdusta?
binarat ang sahod ng manggagawa sa pabrika
pinagtrabaho ang obrero tulad ng makina

dahil sa pribadong pag-aari'y binalewala
ang pagpapakatao't pakikitungo sa madla
masisipag na dukha'y tinuring na hampaslupa
habang sa kayamanan, tuso'y nagpapakasasa

balewala lahat ng mga natamong tagumpay
kung ginawa'y pang-aapi't di makataong tunay
may kapayapaan ba ang puso nilang namatay
gayong wala na silang dangal doon man sa hukay

- gregbituinjr.

Biyernes, Setyembre 27, 2019

Sa mga nagbahagi ng karanasan sa Ondoy

hinggil sa nangyaring bagyong Ondoy, sila'y nagkwento
sa ikasampung anibersaryo ng bagyong ito
sinariwa ang daluyong ng nasabing delubyo
na sa maraming lugar ay lubhang nakaapekto

maraming salamat sa kanila't ibinahagi
yaong mga karanasang sadyang nakaduhagi
sa takbo ng buhay nila't talagang naglupagi
lalo"t nakaranas ay nalugmok at nangalugi

sa loob ng anim na oras, lubog ang Maynila
at mga karatig probinsya'y tuluyang binaha
kayraming nalubog sa delubyong kasumpa-sumpa
maraming gamit ang nabasa, buhay ay nawala

may aral tayong natutunan sa araw na iyon
tayo'y nagbayanihan, naglimas buong maghapon
habang ginugunita natin ang naganap noon
ay dapat paghandaan ang krisis sa klima ngayon

karanasan sa bagyong Ondoy ay kasaysayan na
dapat tayong maghanda sa bagong emerhensiya
sa pagtindi ng mga bagyo, tayo ba'y handa na
sa darating pang pagkilos, lumahok, makiisa

- gregbituinjr.
* Nilikha ang tula matapos magbahagi ng karanasan sa bagyong Ondoy ang ilang nakaranas nito. Ginanap ang paggunita sa basketball court, Daang Tagupo, Barangay Tatalon, Lungsod Quezon, Setyembre 26, 2019. Nagsidalo roon ang mga mula sa Pasig, Marikina, San Mateo sa Rizal, Caloocan, Malabon, Navotas, Maynila at Lungsod Quezon.









Barakong Gala

nabuburyong ang barakong gala sa kabukiran
wala kasing madigahang dalagang bukid doon
kaya naisip nitong magtungo sa kalunsuran
pumasyal sa mga plasa't maghapong maglimayon

baka roon ay may dumalagang pagala-gala
at kiri kung kumembot ang kurbada nitong baywang
ang natagpuan niya'y dilag na napariwara
na sa angking puri'y wala man lamang nagsanggalang

sadyang kayhirap maburyong sa ilalim ng langit
tila baga may malagim sa malamig na gabi
iniisip ang dilag na di gaanong marikit
na mata'y nangungusap, kaysarap masdan sa tabi

dito sa magulong mundo'y anong dami ng gulong
tila ang bawat isa'y kumakaripas ng takbo
mga paa'y nag-uunahan, pawang urong-sulong
ito na nga ba ang tinatawag nilang progreso

- gregbituinjr.

Miyerkules, Setyembre 25, 2019

Mga biktima ng hazing nawa'y bigyang hustisya

Bakit may hazing? Bakit sa kapwa'y may nananakit?
Akala ko, kapatiran iyong may malasakit!
Bakit dinulot sa kapatid ay dusa't pasakit?
Namatay sa hazing o pinatay sa hazing? Bakit?

Kapatiran iyon! Kapatid ang dapat turingan!
May inisasyon para sa papasok sa samahan
May inisasyon din pati plebo sa paaralan
Mga inisasyong pagpaparusa sa katawan

Ano bang silbi ng hazing sa mga bagong pasok?
Hazing ba'y upang makapasa sila sa pagsubok?
Bakit dapat dumaan sa palo, tadyak at suntok?
Upang kapatiran lang nila'y dumami't pumatok

Di pala sapat ang batas na itigil ang hazing
Di dapat gawing kultura ng samahan ang hazing
Ngunit may piring pa rin ang katarungan, may piring
Nawa'y mabigyang hustisya ang biktima ng hazing

- gregbituinjr.

Martes, Setyembre 24, 2019

Ang plantang coal ay bikig sa lalamunan

ang hinaing ng bayan ba'y di mo pa naririnig
na winawasak ng plantang coal ang ating daigdig
dahil dito'y di pa ba tayo magkakapitbisig
upang tutulan ang plantang coal na nakakabikig

dahil sa plantang coal ay nagmamahal ang kuryente
habang tuwang-tuwa naman ang mga negosyante
limpak-limpak ang tinutubo, sila'y sinuswerte
habang sa simpleng masa, ang plantang coal ay kayrumi

mag-renewable energy, tigilan ang plantang coal
aba'y dapat pakinggan ang matinding pagtutol
ng mamamayan, bago pa sa panahon magahol
sa kuryenteng kaymahal, masa'y kapos sa panggugol

dahil sa plantang coal, kalikasan ay nasisira
sa paghahanap ng panggatong, isla'y ginigiba
tulad sa Semirara na hinalukay ang lupa
nangitim din ang dagat sa Balayan at Calaca

sa climate change, ang plantang coal ang pangunahing sanhi
atmospera'y binutas, emisyon nito'y kaysidhi
kung sanhi'y plantang coal, paano ito mapapawi
sa malaking pagsira nito'y paano babawi

halina't magsama-sama upang ating pigilin
ang pananalasa ng plantang coal sa bansa natin
bikig natin sa lalamunan ay dapat tanggalin
gawin bago pa tayo nito tuluyang patayin

- gregbituinjr.
* Inihanda ng makata at binigkas sa harap ng mga raliyista sa Mendiola sa National Day of Protest Against Coal, Setyembre 24, 2019















Lunes, Setyembre 23, 2019

Naririto lagi kaming aktibistang Spartan

aktibistang Spartan kaming nariritong lagi
nang ugat ng kahirapan ay tuluyang mapawi
marapat nang tanggalin ang pribadong pag-aari
pagkat sa pagsasamantala't pagkaapi'y sanhi

kaming aktibistang Spartan lagi'y naririto
upang sagupain ang bagsik ng kapitalismo
na laging yumuyurak sa karapatang pantao
na makina't di tao ang pagtingin sa obrero

laging naririto kaming Spartang aktibista
na naghahangad baguhin ang bulok na sistema
pinasok ang makipot na landas para sa masa
at uring obrero'y patuloy na maorganisa

naririto lagi kaming aktibistang Spartan
na sinanay upang depensahan ang uri't bayan

- gregbituinjr.

Linggo, Setyembre 22, 2019

Di man magaling mangumbinsi

di talaga ako magaling sa pangungumbinsi
ang kinausap ko'y di ko mapasama sa rali
kahit maganda ang isyu't dapat silang kumilos
tila baga ang nais lang nila'y ang magparaos
marahil kailangan ko'y alas o panggayuma
upang kumbinsihin silang baguhin ang sistema

at tibak akong di rin mahusay magtalumpati
kung di makapangumbinsi'y paano magwawagi
sa tiyagang mag-organisa ako pa ba'y kapos
mga isyu'y paulit-ulit, di matapos-tapos
paano ba oorganisahin ang laksang masa
kundi alamin muna ang isyu nila't problema

at mula roon sa masa na'y makikipamuhay
sa kanila'y ipaliwanag ang prinsipyong taglay
ipakitang lingkod ng bayan, nagpapakatao
nagpopropaganda, nag-iisip, at nagpaplano
nakikiisa sa kanilang laban at layunin
habang ipinaliliwanag ang prinsipyong angkin

dapat ipagtagumpay ang ating pakikibaka
at pagkaisahin ang manggagawa't magsasaka
iwawaksi rin natin ang pribadong pag-aari
pagkat ito ang siyang ugat ng pang-aaglahi
pagsasamantala sa sambayanan ay wakasan
at itayo ang adhikang sosyalistang lipunan

- gregbituinjr.

Sabado, Setyembre 21, 2019

Hustisya sa mga batang biktima ng tokhang

Anong sakit sa kanilang loob bilang magulang
nang anak nilang inosente'y nadamay sa tokhang.
Di maubos-maisip bakit anak ay pinaslang
na edad pito, lima, apat, tatlong taong gulang.

Ating tandaan ang ngalang Danica Mae Garcia,
Althea Barbon, Michael Diaz, Sonny Espinosa,
Aldrin Castillo, Joshua Cumilang, Francis Mañosca,
Angel Fernandez, Carl Arnaiz, at myka Ulpina.

Naririyan din ang pangalang Kian Delos Santos,
Kristine Joy Sailog, Angelito Soriano, Jayross
Brondial, Sañino Butucan, Jonel Segovia, musmos
pa sila't marami pang batang buhay ay tinapos!

Dulot ng mga pumaslang sa kanila'y ligalig
Ginawa sa kanila'y dapat mapigil, malupig
Hustisya sa mga pinaslang! Ito'ng ating tindig
Panagutin ang mga maysalang dapat mausig!

- gregbituinjr.
* tulang binigkas ng makata sa rali kaugnay sa ika-47 anibersaryo ng batas militar na ginanap sa basketball court ng Christ the King, E. Rodriguez, QC, Setyembre 21, 2019.

Pinaghalawan:
https://www.rappler.com/views/animated/218077-never-forget-kian-delos-santos-caloocan-extrajudicial-killing
https://www.rappler.com/newsbreak/iq/179234-minors-college-students-victims-war-on-drugs-duterte
https://www.gmanetwork.com/news/news/nation/699578/3-yr-old-girl-is-the-latest-victim-of-duterte-s-drug-war-hrw/story/
https://newsinfo.inquirer.net/794598/kill-list-drugs-duterte

Batas militar, maraming hinuli't ikinulong

Batas militar, maraming hinuli't ikinulong
dahil nagsikilos, pakikibaka'y isinulong
at nilabanan ang diktador na isang ulupong
na sa karahasan ng kamay na bakal nalulong

totoo, marami ang nakibakang aktibista
kasama'y estudyante, manggagawa, magsasaka
katutubo, kababaihan, mangingisda, masa
sa adhikaing mabago ang bulok na sistema

subalit nagalit ang diktador, sila'y tinudla
dinakip, ikinulong, ginahasa, iwinala
nakapiit ay tinortyur, sinaktan, natulala
isang bangungot ang batas militar, isang sumpa

kahapong iyon ay sadyang kaytinding karahasan
walang karapatang pantao, kahit sa piitan
ang mga aral nito'y huwag nating kalimutan
"Never Again! Never Forget!" ang ating panawagan

- gregbituinjr.
* nilikha at binigkas ng makata sa rali kaugnay sa ika-47 anibersaryo ng batas militar na ginanap sa basketball court ng Christ the King, E. Rodriguez, QC, Setyembre 21, 2019.

Panawagan ng maralita

Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod
samahan ng dukhang masipag, nagpapakapagod
nang makakain, mapag-aral, anak ay malugod
pamilya'y ginagapang, magtagpi man ng alulod

ang nais namng maralita'y pampublikong pabahay
na ayon sa kakayahan ng dukha'y mabayarang tunay
di barungbarong, kundi ang materyales ay matibay
may bentilasyon, at bahay na mapaghihingahang tunay

- gregbituinjr.
* kinatha ng makata at binasa sa programa sa rali sa ika-47 paggunita sa martial law sa Pilipinas, 9/21/2019

Biyernes, Setyembre 20, 2019

Winawasak ng kapitalismo ang ating mundo

winawasak ng kapitalismo ang ating mundo
sinisira nito ang ating buong pagkatao
nilalason ang sakahan sa pagmimina nito
kabundukan natin ay tuluyan nang kinakalbo

para sa higit na tubo'y wasak ang kalikasan
todo-todong pinipiga ang ating likasyaman
ginagawang subdibisyon ang maraming sakahan
ginawang troso ang mga puno sa kagubatan

dahil sa plantang coal, mundo'y patuloy sa pag-init
tataas ang sukat ng dagat, mundo'y nasa bingit
tipak ng yelo'y matutunaw, delubyo'y sasapit
kapitalista'y walang pakialam, anong lupit

di lamang sobrang pinipiga ang lakas-paggawâ
ng manggagawa, kundi kalikasa'y sinisirà
lupa'y hinukay sa ginto't pilak, at ang masamâ
katutubo pa'y napalayas sa sariling lupà

mula nang Rebolusyong Industriyal ay bumilis
ang sinasabing pag-unlad na sa tao'y tumiris
pati mga lupa'y pinaimpis nang pinaimpis
upang makuha lamang ang hilaw na materyales

likasyaman ay hinuthot nang gumanda ang buhay
maling pagtingin sa kaunlaran ang ating taglay
imbes umunlad ang tao'y pinaunlad ang bagay
bansa'y umasenso pag maraming gusali't tulay

ang mineral sa ilalim ng lupa'y nauubos
ngunit imbes umunlad, ang bayan pa'y kinakapos
dahil sa nangyayari'y dapat tayong magsikilos
pangwawasak ng kapitalismo'y dapat matapos

sa kabila nito, may pag-asa pang natatanaw
sa nalalabing oras, kumilos ng tamang galaw
mulatin ang sambayanan, kaya ating isigaw:
"Ibasura ang kapitalismo! Climate Justice Now!"

- gregbituinjr.
* nilikha at binasa ng makata sa harap ng maraming tao sa programa ng Global Climate Strike, na ginanap sa Liwasang Aurora, Quezon City Memorial circle, Setyembre 20, 2019.






Katarungan sa mga pinaslang na environmental defenders!

pinakamapanganib na lugar ang Pilipinas
kung usapin ng pagtatanggol ng kapaligiran
sa environmental defenders, maraming inutas
pagkat ipinagtatanggol nila ang kalikasan

siyam na magtutubo ang minasaker sa Negros
apat na babae't dalawang bata ang pinulbos
may walong katutubo ng Tamasco ang inubos
binira raw sila ng kung sinong berdugong bastos

sina Leonard Co at Gerry Ortega'y pinaslang
Jimmy Liguyon, Juvy Capion, iba pang pangalan
Pops Tenorio, Romeo Sanchez, inutas ng halang
mga makakalikasang ang buhay ay inutang

katarungan sa mga environmental defender!
nawa'y madakip na't makulong ang mga nag-marder!

- gregbituinjr.
* nilikha ng makata upang basahin sa rali sa DENR, Setyembre 20, 2019

Pinaghalawan ng ilang datos:
https://www.rappler.com/nation/236604-philippines-deadliest-country-environmental-activists-2018
https://www.rappler.com/science-nature/environment/208069-number-environmental-activists-killed-2017-global-witness-report
https://www.pressreader.com/philippines/manila-times/20121008/281517928345797
https://globalnation.inquirer.net/102121/ph-deadliest-asian-country-for-environment-activists-report




Mga litratong kuha ng makata sa rali sa DENR

Huwebes, Setyembre 19, 2019

Mga makabagong kasabihan

MGA MAKABAGONG KASABIHAN

anumang lakas ng hangin
kaya nating salungatin
di tayo mga alipin
dito sa ating lupain

huwag maging hipong tulog
sa inaanod sa ilog
ilagan ang pambubugbog
nang katawa’y di madurog

anumang kapangyarihan
ay pansamantala lamang
kayang mag-alsa ng bayan
laban sa gagong iilan

sa balut at pansit-luglog
tuhod mo'y di mangangatog
ang sa pansitan natulog
mag-ingat baka mauntog

di tulugan ang pansitan
kaya mag-ingat sa daan
umuwi ka sa tahanan
at maybahay ang sipingan

mandaragit ay lagi nang
nariyan sa kalawakan
animo'y nakamatyag lang
daragitin ka na lamang

ang plakard ma’y namumula
sa dugo ng aktibista
prinsipyo’y tangan pa niya
nang mabago ang sistema

mabuti pang maging tibak
na sa laban sumasabak
kaysa burgesyang pahamak
na bayan ang nililibak

halina't tayo'y magtanim
ng mga punong may lilim
ng rosas na masisimsim
at ugaling maaatim

- gregbituinjr.
* nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), isyu ng Setyembre 16-31, 2019, p. 20

Miyerkules, Setyembre 18, 2019

Makikipagkapitbisig ka ba sa mga tibak?

makikipagkapitbisig ka ba sa mga tibak
dahil ikaw rin ay dukhang gumagapang sa lusak
iginagapang mo rin ba ang iyong mga anak
upang makaalpas sa hirap at di hinahamak

makikiisa ka ba sa layon ng aktibista
na sistema'y baguhin, patuloy na makibaka
na bayan ay di na mabuhay sa hirap at dusa
na kamtin ang lipunang pantay, malaya ang masa

yayakapin mo ba ang aktibistang simulain
na bulok na sistema't lipunang ito'y baguhin
na buong uring manggagawa'y oorganisahin
itatayo ang lipunang magsisilbi sa atin

itataguyod mo ba'y diwa ng uring obrero
yayakapin ang materyalismo't diyalektiko
ikaw ba'y makikipagkapwa't magpapakatao
pagkat lipunang makatao'y siyang sosyalismo

o nais mo ring maging aktibistang naririyan
di lang tagapanood kundi kaisa sa laban
upang maging pantay ang tao sa sangkatauhan
maging maayos ang kalikasan at daigdigan

tara, sa mga tibak ay makipagkapitbisig
at sa sosyalistang prinsipyo tayo nang sumandig
itatayo'y lipunang makataong may pag-ibig
gagawing mabuti ang kalagayan sa daigdig

- gregbituinjr.

Hardliner na tibak

anila, isa raw akong hardliner sa pagkilos
matinding manindigan laban sa pambubusabos
prinsipyado upang labanan ang paghihikahos
ng kapwa dukha, pagiging tibak ko'y nilulubos

tunay, hardliner ako dahil nais kong magwagi
ang sosyalismong adhika laban sa naghahari
hardliner ako laban sa pribadong pag-aari
na instrumento ng mapang-api't mapang-aglahi

hardliner ako't di ko ito ikinakaila
pagkat mithing itayo ang lipunang manggagawa
na babakahin din ang kapitalistang kuhila
dahil mapagsamantala't dukha'y kinakawawa

tandaan mo, hardliner ako hanggang kamatayan
na sa pagkilos ko'y di mo ako mapipigilan
sa pakikibaka ang buhay ko na'y inilaan
upang baguhin ang sistema't ang buong lipunan

- gregbituinjr.

Martes, Setyembre 17, 2019

Mas matimbang ang uri kaysa dugo

ako't tibak, mas matimbang ang uri kaysa dugo
prinsipyo'y pinaglalaban, mabasag man ang bungo
adhika ang pangunahin, harangin man ng punglo
sosyalismong layunin ang sa masa'y sinusuyo

sa personal, pag nangutang ng pera sa kapatid
tanong nya'y bakit wala akong pera, ang pabatid
sa mga kasama, di na magtatanong ng bakit
dahil unawa nila ang gawain ko't pasakit

sa personal, ani itay, ano bang mapapala
sa pakikibaka kundi magdudulot ng hidwa
sa mga kasama, binabaka nami'y kuhila
iwawaksi'y sistemang bulok at kasumpa-sumpa

sa personal, anang asawa'y dapat nang tumigil
pamilya ang tutukan, di sistemang mapanupil
subalit kikilos ako laban sa mapaniil
nang pananalasa ng kapitalismo'y mapigil

kaya sa akin, matimbang kaysa dugo ang uri
aming wawasakin ang pribadong pagmamay-ari
dudurugin ang mapagsamantala't naghahari
at itatayo ang sosyalismong kapuri-puri

- gregbituinjr.

Lunes, Setyembre 16, 2019

May mga bangkang papel ako ngayong bumabagyo

may mga bangkang papel ako ngayong bumabagyo
bangkang papel na pawang liham sa ating gobyerno
mga mensahe hinggil sa karapatang pantao
para sa hustisya, may paglilitis at proseso

sa kanal at ilog inilagay ang bangkang papel
bakasakaling makarating sa sinumang sutil
nananawagang mga pandarahas ay itigil
at panonokhang sa mga inosente'y mapigil

nawa'y mabasa ninyo ang mensaheng nakasulat
sa mga bangkang papel na may isinisiwalat
mensahe sa taumbayang dapat silang mamulat
at kumilos para sa hustisya para sa lahat

simpleng bangkang papel na payak ang pagkakagawa
subalit handa sa pagharap sa maraming sigwa
bangkang papel na di sana tumirik sa simula
gaano man kahirap ay marating din ang sadya

- gregbituinjr.

Nakikita mo ba ang puso kong nahihirapan

Nakikita mo ba ang puso kong nahihirapan
Gumigiti sa noo ang pawisang karanasan
Ikaw ang mutyang sa puso'y nakikipagsiksikan
Tinutulak ng dibdib ang iwi kong karukhaan
Itinitirintas sa puso ang iyong larawan

Nawa ang danasin ko'y di pawang paghihinagpis
Akong nagmamahal sa iyo'y laging nagtitiis
Muli sana kitang makitang may ngiting kaytamis
At tititigan ka upang sa diwa'y di maalis
Ngiti mong kayganda'y makintal sa puso kong hapis

Dahil sa ngiti mo, ginhawa'y mararamdaman ko
Ikaw ang minumutyang sa buhay ko'y magbabago
Yamang iniibig kita, ako'y nagsusumamo
Ako'y iyong muling hagkan, at magniig tayo
Ngiti naman diyan, at magagalak ang puso ko

- gregbituinjr.

Linggo, Setyembre 15, 2019

Karumal-dumal na krimen ng pamahalaan

karumal-dumal na krimen ng gobyerno ang tokhang
proseso'y binabalewala, basta pumapaslang
ng walang awa, mga berdugo'y may pusong halang
para raw sa kapayapaan, tao'y nililinlang
ang totoo, tokhang ay naging tokbang: tok-tok, bang! bang!

tokhang ang karumal-dumal na krimen ng gobyerno
papaslang ng walang paglilitis, walang proseso
ang inatasang pumaslang ay sadya bang berdugo?
wala bang pakiramdam sa kanilang kapwa tao?
wala bang pakialam sa wawaksang buhay nito?

ngunit kung gobyerno'y may karumal-dumal na krimen
sino kayang makapipigil sa mga salarin?
sinong mga dapat kasuhan, anong dapat gawin?
hustisya sa mga biktima'y paano kakamtin?
mga krimeng ito'y hahayaan na lang ba natin?

ang masa bang pumapalakpak sa gobyerno'y hangal?
magulang ng batang pinaslang ay natitigagal!
kanino hihingi ng hustisya, saan aangal?
ah, mabuti pang anak mo'y kusang nagpatiwakal
kaysa pinaslang sa pamaraang karumal-dumal!

- gregbituinjr.

Ang Tatlong B

may tatlong B na kandidato sa pagkasenador
ang nanalo't sa senado ngayon ay nagmomotor
parang eksena sa pelikula, may aksyon, horror
na animo'y sa maraming taliwas pumapabor

sila ba ang tatlong B na kapara'y tatlong bibi
na sa mga maling polisiya nabibighani
na sa isyung karapatang pantao'y nabibingi
na sa usaping hustisya sa masa'y napipipi

ayos lang sa kanila ang magkaroon ng tokhang
na parang manok ang buhay, binabaril ng halang
walang proseso, walang paglilitis, pumapaslang
sa nagkalat ngang bangkay ay mapapatiimbagang

sa tatlong senador B, ito pa ba'y balewala
mga namatayang ina'y patuloy sa pagluha
sina Bunggo, Bato't Bodots ba'y anong ginagawa
upang krimeng pagtotokhang ay tuluyang mawala

- gregbituinjr.

Sabado, Setyembre 14, 2019

Pagpupugay sa ika-26 anibersaryo ng BMP

taas-kamaong pagpupugay sa anibersaryo
ng ating Bukluran ng Manggagawang Pilipino
o BMP - samahan ng sosyalistang obrero
na itinataguyod ang kapakanan ng tao

mabuhay kayo! mga kasama ko sa BMP
halina't sa obrero'y patuloy tayong magsilbi

magpalakas pa tayo't tiyaking nagkakaisa
ang mga manggagawa sa bawat pakikibaka
tungo sa adhikaing pagbabago ng sistema
at pagtatayo natin ng lipunang sosyalista

mga kasama sa BMP, mabuhay! mabuhay!
kapitbisig hanggang laban ay maipagtagumpay!

ito mang dagat ng pakikibaka'y anong lalim
may natatanaw na pag-asa kahit naninindim
ang BMP ang liwanag sa pusikit na dilim
sa matinding sikat ng araw ay punong malilim

- gregbituinjr.

Sa mga tulad naming tibak, bawal magkasakit

sa mga tulad naming tibak, bawal magkasakit
lalo't ang bulok na lipunang ito'y anong lupit
sa disiplina sa katawan ay dapat mahigpit
tiyaking maayos na kalusugan ay makamit

halina't kumain ng gulay na nagpapalakas
ng katawan, ng kalamnan, sa tuhod pampatigas
huwag sobrang karne't mamantika, laging maghugas
ng kamay kung kakain, at balatan din ang prutas

dapat magpalakas ang tibak at maging malusog
lalo't ipinaglalabang pangarap ay kaytayog
huwag magpuyat, tiyaking walong oras ang tulog
sapat ang kain, huwag masyadong magpakabusog

ang kalusugan sa pakikibaka'y mahalaga
kaya di dapat nagkakasakit ang aktibista
kung sakaling magkasakit, dapat tulungan sila
dahil sila'y ating kasama sa pakikibaka

- gregbituinjr.

Biyernes, Setyembre 13, 2019

O, kayrami nang namatay laban sa pagmimina

O, kayrami nang namatay laban sa pagmimina
kamatayan nila'y di dapat hanggang alaala
dapat makamit ng mga biktima ang hustisya
pagmimina'y itigil na, alang-alang sa masa

"Tao Muna, Hindi Mina!" Ito ang panawagan
pagkat patuloy ang pagkawasak ng kalikasan
patuloy ang pagbalahura sa kapaligiran
dapat lang makibaka ang masa ng sambayanan

tuligsain ang mga dambuhalang korporasyon
ng pagmiminang sumisira sa bukas ng nasyon
tiyaking katutubo'y mamumulat at babangon
nang ipagtanggol ang lupang ninuno nila ngayon

sa tubo sa mina, kapitalista'y nanggigigil
na tuwang-tuwang lalaki ang tiyan nila't bilbil
ngunit mapanirang pagmimina'y dapat matigil
at korporasyon ng pagmimina'y dapat masupil

- gregbituinjr.
* nilikha at binigkas ng makata sa rali ng mga estudyante sa harap ng tulay ng Mendiola, kasama ang PUP SPEAK at Alyansa Tigil Mina (ATM), umaga ng Setyembre 13, 2019, araw ng Biyernes

Huwag nating hayaang itayo ang Kaliwa Dam

huwag nating hayaang itayo ang Kaliwa Dam
pagkat palulubugin nito ang maraming bayan
masisira ang mga ilog, buong katubigan
mawawasak ang tirahan ng hayop, kagubatan

apektado ang ibon at rosas, flora at fauna
katutubo'y mapapalayas sa tahanan nila
tiyak matutuwa lang ang mga kapitalista
habang wasak ang kalikasan at buhay ng masa

pagtatayo ng bagong dam sa bayan ay pahirap
uutang pa sa Tsina ang gobyernong mapagpanggap
panibagong utang ay sadyang di katanggap-tanggap
pagkat iyang saplad sa masa'y di naman lilingap

huwag na pong magtayo ng bagong dam, huwag na po
tutol ang taumbayan, baka dugo pa'y mabubo
ipagtanggol ang tahanan ng mga katutubo
huwag nang itayo ang Kaliwa Dam, huwag na po

- gregbituinjr.
* saplad - tagalog ng dam, ayon sa English-Tagalog dictionary ni Fr. James English

Nais kong lumikha ng mga tulang mapanuri

nais kong lumikha ng mga tulang mapanuri
na sa rali'y bibigkasin anong tugon at sanhi
ng samutsaring isyung sa labi'y mamumutawi
sa parlamento ng lansangan magtatalumpati

tutulain ko sa bawat rali'y isyung pambayan
babanatan din ang tusong trapo't katiwalian
sa loob at labas man ng ating pamahalaan
pawang mga hakbang sa pagbabago ng lipunan

tatalakay sa ano, paano, gaano't bakit
bakit dapat ikulong pag nanggahasa ng paslit?
gobyerno ba'y masisisi pag dukha'y nagigipit?
anong dapat gawin sa kapitalistang kaylupit?

lalamnin ng aking mga tula'y panunuligsa
sa bulok na sistemang kayraming kinakawawa
magiging palawit sa protesta ang talinghaga
habang minumulat bilang uri ang manggagawa

- gregbituinjr.

Huwebes, Setyembre 12, 2019

O, Tao, anong gagawin sa basura mo?

Mabuti pa ang mga hayop
Di nagtatapon ng basura
Habang tao'y dapat maayop
Basura nila'y naglipana

Basurang plastik nakakain
Ng mga nilalang sa dagat
Upos nga'y lulutang-lutang din
Sa upos, isda'y nabubundat

Kinain ng tao ang isdang
Nabusog sa kayraming plastik
Nabundat din ang dambuhalang
Isdang yaong mata'y tumirik

Anong dapat gawin, O, Tao
Nang ganito'y di na mangyari
Tapon ng tapon lang ba tayo
Pagsisisi'y laging sa huli

- gregbituinjr.
* ayop - alipusta, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 95

Pagkainis sa sarili

minsan, maiinis ka talaga sa sarili mo
na maiisip mong sapakin ang panga mo't ulo
bakasakaling magtanda ka sa ginagawa mo
at mapanuto ang sarili sa tama o wasto

subalit bakit sasaktan ang sariling kalamnan
masokista ka ba't sinasaktan ang katauhan
maiinis ka minsan sa iyong kapaligiran
kaya nais mong magwala o mawalang tuluyan

kinakailangan ding habaan itong pasensya
upang makapag-isip ng wasto't anong taktika
upang malutas ng mahinahon iyang problema
upang magawang paraang baguhin ang sistema

talagang minsan, ang sarili mo'y nakakainis
ngunit isipin mo ring problema mo'y mapapalis
kailangan ng kaunting tiyaga't pagtitiis
malulutas din ang problemang sa iyo'y tumiris

- gregbituinjr.

Ang dalawang makatang nagngangalang Emily

ANG DALAWANG MAKATANG NAGNGANGALANG EMILY
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nakabili ako ng aklat ng koleksyon ng mga tula ni Emily Bronte nitong Hunyo 7, 2019 sa Full Booked sa Cubao, sa halagang P80.00 lang, sa pag-aakalang ang nabili kong aklat ay ang sikat na si Emily Dickinson. Hindi pala siya iyon, kundi si Emily Bronte.

Kaya natuwa ako nang makita ko sa Book Sale sa panulukan ng Pedro Gil St., at Leon Guinto st. sa Malate, Maynila, ang aklat ng koleksyon ng mga tula ni Emily Dickinson noong Setyembre 8, 2019 sa halagang P85.00 lamang.

Dalawang Emily. Dalawang babae. Dalawang makata. Kapwa may koleksyon ng kani-kanyang mga tula. Ang isa ay mula sa Inglatera at ang isa naman ay mula sa Amerika. Punumpuno ng emosyon ang karamihan sa kanilang mga tula. Matalinghaga.

Si Emily Bronte ay makata at nobelistang nagsulat ng natatangi niyang nobelang Wuthering Heights. Ang kanyang kapatid na si Charlotte Bronte naman ang nagsulat ng nobelang Jane Eyre, at ang isa pa niyang kapatid, si Anne, ang nagsulat naman ng nobelang Agnes Grey.

Nalathala naman ang mga aklat ng tula ni Emily Dickinson mula nang siya'y mamatay. Ayon sa mga tala, nalathala ang wala pang dalawampung tula niya noong nabubuhay pa siya. At nang mamatay siya ay saka natagpuan ng kanyang kapatid na si Lavinia ang kanyang mga nakatagong maraming bulto ng tula.

Inilathala ng Penguin Classics ang koleksyon ng mga tula ni Emily Bronte sa aklat na The Night is Darkening Round Me, subalit walang pagtalakay sa buhay ng makata. Kaya kinailangan ko pang magsaliksik sa internet hinggil sa kanyang talambuhay

Inilathala naman ng Orion Publishing Group sa seryeng Everyman's Poetry ang koleksyon ng mga tula ni Emily Dickinson na ang kanyang pangalan ang mismong pamagat ng aklat. Umabot ng 20 pahina ang pagtalakay sa kanyang buhay, na tinilad sa apat na paksa: (a) Note on the Author and Editor; (b) Chronology of Dickinson's Life and Times; (c) Introduction; at (d) A Note on this Text.

Klasiko nang maituturing ang kanilang mga tula, at marahil ay matatagpuan na ang mga ito sa mga aklatan sa iba't ibang panig ng daigdig.

Sa panig ko naman, naging ugali ko nang mangolekta ng mga aklat ng mga tula ng iba't ibang makata, Filipino man o tagaibang bayan. Ito'y bilang pagsuporta sa kanilang mga tula at pagbibigay-pugay sa mga kapwa makata. 

Kaya bagamat di sapat ang salapi sa bulsa ay ibinili ko ng aklat, pagkat bihira nang matagpuan ang kanilang mga aklat sa ating bansa. Collectors' item ang mga ito, ika nga. Marahil sa internet na lang makikita ang mga likha nila, subalit ang magkaroon ka ng nalathalang aklat nila ay talaga namang kakaiba ang pakiramdam. Naamoy mo ang papel, at nadarama mo ang kanilang mga pangungusap, wala mang kuryente o internet. Kaya tiniyak kong madagdag sa aking lagakang aklat o munting aklatan ang mga hiyas ng diwa ng dalawang Emily.

Isinilang si Emily Bronte noong Hulyo 30, 1818 at namatay sa edad na 30 taon noong Disyembre 19, 1848. Isinilang naman si Emily Dickinson noong Disyembre 10, 1830 at namatay sa edad na 55 noong Mayo 15, 1886.

Sanggunian
aklat na Emily Dickinson, serye 38 ng Everynan's Poetry
https://www.poetryfoundation.org/poets/emily-bronte
https://www.poetryfoundation.org/poets/emily-dickinson
https://en.wikipedia.org/wiki/Emily_Bront%C3%AB
https://en.wikipedia.org/wiki/Emily_Dickinson





Miyerkules, Setyembre 11, 2019

Samutsaring salamisim

lumipad akong kaytulin tulad ng ipuipo
bakasakaling di na ako abutan ng bagyo
habang nagniningning ang alitaptap sa dulo
ng ilang na patutunguhan ay di mo makuro

sumpa man, di ako si Batman, at di rin si Robin
lalo na't di ako ang kalaban nilang si Penguin
isa lang akong hampaslupang walang lupang angkin
o kaya'y dukhang sa di ko lupa inaalipin

yaring puso kong nasasaktan ay nais mag-amok
di ko maawat, ayaw paawat, nais manapok
ngunit bakit naglipana ang laksa-laksang lamok
gabi na pala't tinatablan na ako ng antok

magtitimpla muna ako ng mainit na kape
dapithapon pa lang ngunit animo ito'y gabi
mabibitag ko pa kaya ang mapanirang peste
bakasakaling ang kabukirang ito'y bumuti

- gregbituinjr.

Simbangis ng leyon

sa punonglungsod ay kaytataas na ng gusali
habang tanaw ang iskwater, dukha'y nasa pusali
naroon ang mga tusong trapong magkaurali
na nagkakasundo dahil parehas ng ugali

kung namumunong diktadura-elitista'y dragon
mapagsamantala't ang tingin sa dukha'y palamon
tibak yaong mabangis at mapagpalayang leyon
na sasagip sa aping masa upang makaahon

simbangis ng leyon ang mga tibak na Spartan
alisto sila lalo na't madilim ang silangan
di lubos maisip kung nasaan ang katarungan
habang binabaybay ang maalong dalampasigan

di sumusuko ang mga tunay na mandirigma
pagkat sila'y handa anumang kaharaping sigwa

- gregbituinjr.

Salamat sa mga tagapayo't guro

tuwang-tuwa ang maestra sa kanyang estudyante
pag nakasasagot sa resitasyon, kami'y saksi
lalo't inspirasyon ang maganda niyang kaklase
na sana'y di mabigo sa mayuming binibini

mag-aral kayong mabuti, ang payo ng maestra
upang maging handa sa kakaharaping problema
ngunit magbabago kaya ang bulok na sistema
upang di pulos salapi ang iisipin nila

dapat ituro'y di pagkamakasarili't ganid
dapat ang ating kapwa'y ituring nating kapatid
dapat magpakatao't kabutiha'y ating batid
dahil kapayapaan sa mundo'y dapat mahatid

maraming salamat sa mga tagapayo't guro
upang sa mga pagsubok ay di agad sumuko

- gregbituinjr.

Martes, Setyembre 10, 2019

Nahan ang sagot?

maasim ba ang lasa ng sinampalukang manok
paano naman yaong lasa ng sistemang bulok
matamis ba ang nalalasap ng buhay sa tuktok
o malansa't walang tapat na kasama sa rurok

mga tanong na di matanong sa buhay na ito
pagkat baka sabihing tayo'y sangkaterbang gago
subalit makatang tulad ko'y tanong nga'y ganito
na sinusuri'y buhay sa lipunan at gobyerno

isa lang akong aktibistang masikap sa buhay
nagsisipag din upang sa obrero'y magtalakay
kung ano ang kahirapan, ano ang pantay-pantay
sa lipunang ang tugon ay di pa nahahalukay

narito akong hinahagilap ang mga sagot
kahit na kadalasan ako ay nagbabantulot
mahanap ko sana, kaharap ko man ay hilakbot
upang ialay sa bayan, gaano man kalungkot

- gregbituinjr.

Isang makipot na daan itong aking tinahak

isang makipot na daan itong aking tinahak
upang ipagtanggol ang bayan at di mapahamak
upang ang aking pamilya'y di gumapang sa lusak
upang prinsipyo kong niyakap ay maging palasak

isa lamang akong hampaslupang nakikibaka
upang tuluyang mabago ang bulok na sistema
di magigiba't pinalalakas ang resistensya
at di rin manghihina basta't kasama ang masa

oorganisahin ang kasangga kong manggagawa
bilang isang uri't bilang hukbong mapagpalaya
bihira man ang tumatahak sa putikang lupa
subalit naririto't layunin ay ginagawa

sa mga tulad kong mandirigmang tibak, mabuhay
sama-sama nating diwang sosyalismo'y mapanday
upang lipunang makatao'y ating maibigay
sa mga henerasyong nawa'y pagpalaing tunay

- gregbituinjr.

Bakit natin dapat alagaan ang kalikasan

bakit natin dapat alagaan ang kalikasan
ito'y aking katanungang dapat may katugunan
hinagilap ko ang sagot sa iba't ibang bayan
hanggang nagbabagong klima'y akin nang naramdaman

ilang taon na lang daw, tataas na itong dagat
mga yelo'y matutunaw, di akalaing sukat
dagdag pa'y titindi raw ang mga bagyo't habagat
kung mangyari ito'y may paghahanda ba ang lahat

di lang simpleng mag-alaga ng bulaklak sa hardin
di lang simpleng magtanim ng prutas sa lupa natin
dapat wala nang plastik sa dagat palulutangin
dapat wala nang mga plantang coal ay susunugin

dapat itigil ng Annex I countries ang pagsunog
ng mga fossil fuel na sa mundo'y bumubugbog
pagtindi ng global warming ay nakabubulabog
dapat may gawin tayo bago pa bansa'y lumubog

di lang simpleng mag-drawing ng magandang kagubatan
di lang simpleng ipinta't itula ang kaburiran
dapat kongkreto'y gawin sa kongkretong kalagayan
magtulungan na upang iligtas ang kalikasan

- gregbituinjr.

Lunes, Setyembre 9, 2019

Sanay din akong maglagare't magkayod-kalabaw

sanay din akong maglagare't magkayod-kalabaw
sa anumang gawain ay masipag araw-araw
naroon man sa gubat na madilim at mapanglaw
upang mabuhay lamang ay nagsisipag gumalaw

masipag akong obrero't inaabot ang kota
na inaambag ko'y produktibidad sa kumpanya
sa dami nilang tinutubo'y tuwang-tuwa sila
habang karampot lang ang nabibigay sa pamilya

sa araw-araw na buhay, di ako naging tamad
pag kinakailangan, aba'y gagawin ko agad
magwalis at maglaba, sinampay man ay ibilad
basta di kumplikado't ang paa ko'y nakasayad

tatamarin kang gawin pag di alam ang diskarte
sasampa ka sa bubong, aakyatin mo ang poste
walang kasanayan sa gawain, lalo na't libre
paano aayusin ang alambre ng kuryente

walang tinatamad basta klarado ang tungkulin
magsisipag kang talaga lalo't sweldo'y di bitin
walang tamad basta para sa pamilya'y gagawin
magsisipag ka basta unawa mo ang layunin

- gregbituinjr.

Payapa kong ninanamnam ang sakit ng kalamnan

payapa kong ninanamnam ang sakit ng kalamnan
matindi man ang kirot ng sikmura ko't likuran
sinanay magtiis bilang aktibistang Spartan
kaya anumang sakit ay binabalewala lang

kahit kailangang magsabi ng aray, ayoko
isa akong tibak na di dapat iskandaloso
di sisigaw kahit mahapding mahapdi na ito
kakayanin anumang sakit, mamatay man ako

kahit tortyurin ako'y di susuko sa kaaway
aksidente man ang mangyari'y di pa rin aaray
lalaki'y di iyakin, lumaking ito ang gabay
maghihilom din naman anumang sakit na taglay

anumang nangyari, sarili'y ayokong sisihin
sinanay kaming kahit masaktan ay matiisin
kung sakaling masugatan, sarili'y gagamutin
pagkat anumang pagsubok ay malalagpasan din

- gregbituinjr.

Salamisim sa magdamag

SALAMISIM SA MAGDAMAG

KILAY

mabuti nang walang kilay
kaysa magtaas ang kilay
mabuti nang nabubuhay
ng may dignidad na taglay

PASASALAMAT

nais kong magpasalamat
sa aking ermat at erpat
sa pagsinta nilang sukat
sa tulong at lahat-lahat

mabuhay kayo, tatay, nanay
sa pagsinta ninyong bigay
mga payo ninyong tunay
sa puso't diwa ko'y taglay

HUSTISYA

hustisyang panlipunan
ay laging ipaglaban
may budhing mamamayan
ang ating kailangan

ANG NASA

ang layunin ko, sinta
ay pakamahalin ka
habang nakikibaka
para sa layang nasa

BAYANIHAN SA DYIP

sa dyip, may bayanihan
pasahero'y tulungan
lalo't nag-aabutan
ng bayad at suklian

di man magkakilala
ay bayanihan sila
tulungan bawat isa
sa sukli't bayad nila

- gregbituinjr.
* nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), isyu ng Setyembre 1-15, 2019, p. 20

Linggo, Setyembre 8, 2019

Relatibo ang katamaran at kasipagan

anong ipagsisipag kung wala namang gagawin?
sasabihan kang tamad sa di mo naman tungkulin?
magsisipag ka talaga kung may trabahong angkin
dahil ang lakas-paggawa mo'y kanilang bibilhin

tinatamad ka di naman dahil likas kang tamad
at di rin naman dahil iyan na ang iyong palad
kundi walang bumili ng lakas-paggawang singkad
ngunit kung may trabaho ka'y kanina pa lumakad

maglalasing ka ba kung may trabahong naghihintay
o kahit may trabaho'y tatagay pagkat pasaway
kung pahila-hilata, baka napagod kang tunay
kailangan lang, unawain ka nilang mahusay

di naman dahil patulog-tulog ka na'y tamad ka
baka iyang lakas mo'y iyo lang nirereserba
sa naghihintay na trabahong di mo malaman pa
na pag nagkatrabaho, sipag mo'y ipakikita

wala namang sadyang tamad kung ika'y magugutom
magtatrabaho ka upang pamilya mo'y mabusog
kaya magsisipag ka kung may dahilan at layon
kung tinatamad ka'y baka wala kang inspirasyon

- gregbituinjr.

Huwag maging makasarili, iligtas din ang kapwa

"Think lightly of yourself and think deeply of the world." ~ Miyamoto Musashi

ang sarili'y huwag mo gaanong pakaisipin
kundi ang daigdig ay paano natin sagipin
huwag maging makasarili, o ang maging sakim
lalo't mundo'y nahaharap sa matinding panimdim

matindi ang global warming, dagat ay umaangat
dambuhalang tipak ng yelo'y natunaw sa dagat
nangyayaring krisis sa klima ngayo'y nauungkat
may magagawa bang mabilisan pag naghabagat

isipin natin ang kinabukasan ng daigdig
tungkulin ng bawat isa'y makipagkapitbisig
upang malutas ang suliraning nakatutulig
paano bang mapanira ng mundo'y mauusig

huwag laging isipin lang ay sariling pamilya
o sariling kaligtasan, kapwa'y di isinama
magpakatao tayo't makipagkapwa sa iba
iisa lang ang mundong tahanan ng bawat isa

ang problema sa krisis sa klima'y nakasisindak
kaya isipin na rin ang bukas ng mga anak
pagtutulungan ng mga tao'y dapat lumawak
upang sa krisis sa klima'y di tayo mapahamak

- gregbituinjr.

Sabado, Setyembre 7, 2019

Alingasngas

tumakbo akong anong bilis upang makaihi
animo'y hinehele ng dumaraang buhawi
nang biglang madulas sa banyo sa pagmamadali
habang nagtatalik sa dingding ang mga butiki
pati na mga aso sa kanto'y nananaghili

payapa pa ba ang gubat sa dami ng ulupong
habang sa bansa'y kayraming tiwali't mandarambong
pati pagpapasya ng namumuno'y urong-sulong
di malaman kung sa bahang mababaw ay lulusong
habang kaysarap ng luto ng kangkong at balatong

manamis-namis ang gatas na natira sa tsupon
habang kaysisipag ng langgam sa hagilap-tipon
ng tirang pagkain ng mga aksayadong miron
habang kuwago'y naroong sa puno humahapon
naglalanguyan naman sa lamig ay nagsiahon

lalabhan ko na, mahal, ang marurumi mong damit
huwag lang pagsinta mo sa akin ay ipagkait
kukusot, babanlawan, isasampay, isasabit
habang ang iba naman ay gagamitan ng sipit
nang biglang pinagpawisan sa pagtawag ng kabit

- gregbituinjr.

FeaTIBAK (1993-1997)

di ako mula U.P., La Salle, U.S.T., o AdMU
kaya di matanggap sa inaaplayang N.G.O.
di na rin ako bumabata't may edad na ako
tulad kong tibak ba'y mag pag-asa pang magkasweldo?

trabaho ng trabaho dahil pultaym akong tibak
laban ng laban dahil maralita'y hinahamak
rali ng rali kahit kaharap na'y mga parak
kamao'y kuyom, pinakikitang di nasisindak

di man nangunguna ang pinasukang eskwelahan
ngunit maraming tibak ang galing sa pinasukan
pinagmulan ng maraming aktibistang Spartan
na sinanay upang depensahan ang uri't bayan

subalit tumatanda na't kailangang kumayod
wala nang libre, dapat nang magtrabahong may sahod
mahirap namang kaysipag mo ngunit nakatanghod
nagbibilang ng poste't sumasahod sa alulod

di man nanggaling ng AdMU, La Salle, U.S.T't U.P.
pinasukang eskwelahan ko'y pinagmamalaki
sa tibak nga'y kayraming humahangang binibili
pagkat matitikas kaming tibak at di salbahe

muli, may N.G.O. pa kayang sa akin tatanggap
upang pamilya'y di sumala't di aandap-andap
makakaalpas pa ba sa dinaranas na hirap
at maaabot pa ba ang sosyalismong pangarap

- gregbituinjr.

Biyernes, Setyembre 6, 2019

Sala sa oras ng pananghalian

nag-order ng lunch, ngunit dadalhin ng alauna
anong klaseng lohika ito, tanong ng kasama
aba'y tanghalian nga, eh, tanghalian, aniya
bakit alauna pa, dapat alas-dose, di ba?

sa isang opisina'y nagpupulong kami noon
pinulutan ay debate bagamat mahinahon
alas-dose na't ramdam na nila ang pagkagutom
oras ng pananghalian dapat kumain doon

umaga nag-order ng lunch, alauna dadalhin
aba'y grabe na iyon, BP mo'y patataasin
pananghalian kaya dapat alas-dose gawin
inorderan ng luto'y tila walang malay man din

kung agahan nga, dapat luto na ng alas-syete
dapat kung tanghalian, luto na ng alas-dose
dapat nagluluto'y di bulag, di pipi, di bingi
nasa oras lagi yaong tunay na nagsisilbi

- gregbituinjr.
* Nilikha sa pulong ng isang koalisyon hinggil sa karapatang pantao kung saan nagkomento ang isang kasama na darating ang inorder nilang pananghalian ng alauna ng hapon imbes na sa oras ng pananghalian

Maligayang kaarawan po, Inay

isang maalab na pagbati sa mahal kong nanay
sa kanyang kaarawan, taospusong pagpupugay
nawa'y wala kayong sakit, nasa mabuting lagay
nawa'y masaya po kayo't humaba pa ang buhay

sa inyo pong ikapitumpu't tatlong kaarawan
itong pagbati'y makarating sana sa tahanan
wala man akong regalo kundi pagbati lamang
ang asam ko'y makadama kayo ng kagalakan

mahal kong ina, nagpupugay akong taasnoo
dahil pinalaki nyo kaming matatag sa mundo
lalo't higit pitong dekada na ang narating nyo
sa magkakapatid, mahal na mahal namin kayo

inang mahal, maligayang kaarawan po muli
sana'y malusog po kayo't maging masaya lagi

- gregbituinjr.
09/06/2019

Huwebes, Setyembre 5, 2019

Ako'y aktibistang Spartan sa puso ko't diwa

ako'y aktibistang Spartan sa puso ko't diwa
aking inoorganisa ang uring manggagawa
upang maging matatag na hukbong mapagpalaya
itatatag ang isang bagong lipunang malaya

ako'y kumilos sa kabila ng walang salapi
matatag sa pagsubok kahit dama'y pagkasawi
nariritong tumutulong sa masa kahit munti
nilulusong itong baha umabot man sa binti

nakikibaka, inaalay sa bayan ang buhay
inaalay ang panahon sa pagsisilbing tunay
sa masang nakikibaka'y tunay na kaagapay
ipinaglalaban ang hustisya't prinsipyong taglay

kumikilos kaming mga aktibistang Spartan
bilang mandirigma ng uring manggagawa't bayan
pinagtatanggol ang sambayanan at kalikasan
pati na rin karapatang pantao't katarungan

- gregbituinjr.

Sa mundong ito'y maraming salimpusa

sa mundong ito'y maraming tulad kong salimpusa
animo'y di kasama sa lipunan kaming dukha
tingin sa ami'y bobo, walang aral, walang mukha
tingin nila sila'y bibo, mayaman, pinagpala

isusumpa mo ba ang tulad naming mahihirap?
wala bang pakialam sa danas naming masaklap?
adhikain namin ay nalalambungan ng ulap
ngunit nagpapakatatag, dusa ma'y nalalasap

kaming dukha'y salimpusa sa ganitong lipunan
di kami isinama sa pag-unlad ng iilan
etsapuwera kami sa kanilang kaunlaran
kami ang mga pusa kung aso ang daigdigan

salimpusa'y dapat may sariling mundong mabuo
kung saan pagsasamantala'y tuluyang maglaho
at doon, bulok na sistema'y tiyak na guguho
pagkat lahat ng mapagsamantala'y igugupo

- gregbituinjr.

Sugat sa likod at tagiliran

bumubula rin ang dugo sa aking tagiliran
pinilit ko pa ring umiwas ngunit natamaan
mabuti naman, daplis lang, ako'y di napuruhan
isang mandirigmang akala mo'y di tinatablan

narito't tila may sugat na rin ang aking likod
gayong sa kabila ng mahusay kong paglilingkod
ay nangyari ito't bakit kaya ako sinugod
habang nakapaligid nama'y pawang nakatanghod

naalala ko, sa noo'y tinutukan ng baril
di ko batid bakit sila sa akin nanggigigil
ang daliri'y nasa gatilyo, di mapisil-pisil
nakukunsensya na nga ba't sino ang pumipigil

mamamatay akong sosyalismo'y inilalaban
mamamatay ding kapitalismo'y nilalabanan
ako'y nagpupugay din sa lahat ng lumalaban
upang mundo'y maging payapa't wala nang labanan

- gregbituinjr.

Miyerkules, Setyembre 4, 2019

Tula sa kaarawan ng biyenan at ni inay

SA KAARAWAN NG AKING BIYENAN (SETYEMBRE 5, 2019)
AT NG AKING MINAMAHAL NA INA (SETYEMBRE 6, 2019)

mahal na Nanay Sophia, mahal na Nanay Virgie
nawa'y nasa mabuti kayong kalagayan lagi
at paggabay nyo sa mga anak ay manatili

kayo'y aking mga inang tunay na minamahal
pagkat inihahandog nyo'y mga gabay at aral
upang kami'y mapanuto at bumuti ang asal

kami'y inalagaan mula pa sinapupunan
hanggang kami'y isilang at bigyan nyo ng pangalan
hanggang marating ang kasalukuyang katayuan

maligayang kaarawan po sa inyong dalawa
inspirasyon kayo ng mga anak sa tuwina
nawa'y kamtin nyo'y buhay na malusog at masaya

happy birthday, taas-noong pagpupugay sa inyo
kayo ang sanhi bakit kami'y narito sa mundo
muli, maligayang kaarawan! mabuhay kayo!

- gregbituinjr.

Markang bungo

kapara ko'y bungong nakatunganga sa kawalan
nakatitig sa kisame, may ulap sa isipan
tangay ng hangin mula kanluran tungong silangan
nananaginip, lumalaban doon sa sabungan

magkano bang inyong pusta sa aking talisayin
magaling itong umiwas nang dagitin ng lawin
matikas, maginoo, mahinahon pa't abuhin
marami nang nabiktimang dumalaga't inahin

bungo pa rin akong sa kawalan nakatunganga
kagaya ko rin lang ang mga maharlika't dukha
sinumang tao'y mamamatay, mangmang at dakila
isinilang ng hubad, ibabaon din sa lupa

hiling ko'y huwag pagkaitan ng luksang parangal
may munting programa, na di pala tayo imortal
may tutula, kahit tingin man nila ako'y hangal
na tulad ko palang tibak ay kumilos ng banal

- gregbituinjr.

Singgaan lang ako ng balahibo pag namatay

singgaan lang ako ng balahibo pag namatay
sa malao't madali'y maaagnas din ang bangkay
obrero'y magsasabi kung nagsilbi akong tunay
na inalay ko sa kilusan ang iwi kong buhay

wala naman akong pag-aaring ihahabilin
sa burgesya iyon, may pag-aaring mamanahin
tibak akong walang anumang pag-aaring angkin
kundi isip, lakas-paggawa't katawang patpatin

ayokong mamatay sa sakit kundi sa labanan
hanggang huli, nais kong mamatay sa tunggalian
marahil, bala sa noo ko'y magpapatimbuwang
pagkat nilabanan ang mga namumunong buwang

sa huling lamay sa burol ko nawa'y may tumula
o gabi ng pagtula ng kapwa dukha't makata
tulang ako'y sosyalistang nagsilbi sa paggawa
sa huli'y kasangga pa rin ang uring manggagawa

- gregbituinjr.

Martes, Setyembre 3, 2019

Aktibistang Spartan ay maginoo't magalang

aktibistang Spartan ay maginoo't magalang
mahinahon, nirerespeto ang kababaihan
nilalabanan ang maling sistema't pusong halang
nag-aral, sinanay upang baguhin ang lipunan

batid ang Kartilya ng Katipunan at Bushido
inaral din ang Materyalismo't Diyakeltiko
ipinaglalaban ang kapakanan ng obrero
at itinataguyod ang sistemang sosyalismo

magalang na pananalita ang namumutawi
nagpapakatao't nakikipagkapwa rin lagi
sa katiwalian ay kayang magsabi ng "Hindi!"
matikas, taas-noo, kahit dama'y pagkasawi

mandirigma kaming ipinagtatanggol ang masa
laban sa anumang hirap at pagsasamantala
aktibistang Spartan kaming tuloy sa pagbaka
upang baguhin na ang inuuod na sistema

- gregbituinjr.

Di kami basta babagsak

di basta babagsak kaming aktibistang Spartan
pagkat sinanay kaming sumuong sa mga laban
di basta babagsak kaharap man si Kamatayan
lalo't may tungkulin kaming baguhin ang lipunan

ginto ba ang sistemang kanilang pinagtatanggol
habang trapo'y patuloy na bayan ay inuulol
habang kabang bayan ay aksayadong ginugugol
habang ang mga trapo'y umaaktong budol-budol

kailangan nating tuligsain ang mga mali
paano ba maiwawasto ang trapong tiwali
ang masa ba'y magtatagumpay sa bawat tunggali
habang ang bulok na sistema'y nagkabali-bali

isinalang sa apoy, hinulma ng dusa't luha
kaming aktibistang Spartan sa laban ay handa
kasama ang uring manggagawa'y may magagawa
upang ibagsak ang mga elitistang kuhila

- gregbituinjr.

Pagbisita namin ni misis sa makasaysayang Kakarong

Pagbisita sa Kakarong, na sinasabing lugar na itinatag ang Unang Republika ng Pilipinas, bago pa ang Malolos. Setyembre 1, 2019, Pandi, Bulacan. Kasama ko si misis at iba pa niyang kasama sa advocacy.

Ayon sa pananaliksik, "The Battle of Kakarong de Sili was fought on January 1, 1897, at Pandi, Bulacan, in the Philippines. The Kakarong Republic, based in the little fort in Pandi, was attacked by a force of Spaniards who massacred the Katipuneros there. At the end of the battle, General Eusebio Roque (also known as Maestrong Sebio and Dimabungo) was captured by the Spaniards. The Kakarong republic was considered the first republic formed in Bulacan and in the Philippines." (mula sa Wikipedia)