Miyerkules, Nobyembre 20, 2024

Book Sale

BOOK SALE

laking National at laking Book Sale
kayraming librong dito'y nabili
sa aklat ay di ako mapigil
lalo't diyan ako nawiwili

ngunit may ulat na magsasara
ang Book Sale na aking kinalakhan
sa MegaMall, pwesto'y nalipat na
sa Letre'y tinanggal nang tuluyan

sa Farmers at Fiesta Carnival
ang Book Sale pa nila'y nakatayo
sana patuloy sila't magtagal 
sila'y umiral pa't di maglaho

sa pagbabasa ako nag-ugat
kaya salamat sa mga libro
lalo sa Book Sale, mura ang aklat
binili't binabasa-basa ko

- gregoriovbituinjr.
11.20.2024

* dalawang unang litrato mula sa mga balita sa fb
* ikatlong litrato ay kuha ng makatang gala sa isang Book Sale branch

Paalam, Aegis Mercy Sunot

PAALAM, AEGIS MERCY SUNOT

taginting ng boses mo'y nanunuot
sa puso't diwa'y di nakababagot
tinig mong kapanatagan ang dulot
subalit wala ka na, Mercy Sunot

kami'y taospusong nakikiramay 
sa pamilya mo, O, idolong tunay
sa Aegis, taospusong pagpupugay
sa mga narating ninyo't tagumpay

mula nang mapakinggan ko ang Aegis
hinanap ko na ang awit n'yo 't boses
ginhawa sa puso'y nadamang labis
bagamat nawala na ang vocalist 

subalit mananatili ang tinig
sa aming henerasyon nagpakilig
Mercy, patuloy kaming makikinig
sa inyong awit at kaygandang himig

- gregoriovbituinjr.
11.20.2024

* litrato mula sa isang fb reel

Meryenda

MERYENDA

hopya ang nabili ko sa 7/11
sa tapat ng ospital upang meryendahin
may handa namang pagkain sa silid namin
pag di kinain ni misis, akong kakain

anumang sandali, pag ako'y nagutom na
maghahanap na ako kung anong meryenda
iiwang walang bantay si misis tuwina
lalabas ng ospital, tawid ng kalsada

pangdalawampu't siyam na araw na rito
mamaya, gagawin sa kanya'y panibago
endoscopy at colonoscopy raw ito
na sana sa colon cancer ay negatibo

animo, hopya yaong sa amin ay saksi
sa kwartong iyon, hopya ang aking kakampi
habang di palagay, sa ligalig sakbibi
di panatag ang loob sa araw at gabi

- gregoriovbituinjr.
11.20.2024

Martes, Nobyembre 19, 2024

Pagngiti

PAGNGITI

palaging ngumiti, ang payo sa cryptogram
na isang palaisipan sa pahayagan
dahil búhay daw ay isang magandang bagay
at kayraming dapat ngitian nating tunay

cryptogram ay sinasagutan sa ospital
habang nagbabantay sa asawa kong mahal
higit tatlong linggo na kaming naririto
bukod sa pagtula, libangan ko'y diyaryo

ang pinayo ni Marilyn Monroe sa atin
tayo'y laging ngumiti, oo, Keep Smiling
subalit sa sakit ni misis ba'y ngingiti
ngingiti sa labas, loob ay humihikbi

makahulugan ang payo ng seksing aktres
ngumingiti ako pag kaharap si misis
upang ngiti rin niya'y aking masilayan
kahit siya'y nasa banig ng karamdaman

- gregoriovbituinjr.
11.19.2024

* "Keep smiling, because life is a beautiful thing and there's so much to smile about." ~ Marilyn Monroe
* larawan mula sa pahayagang Philippine Star, Nobyembre 19. 2024, pahina 9

Barya lang po sa umaga

BARYA LANG PO SA UMAGA

nakasulat: / barya lang po / sa umaga
habang aking / tinatanaw / ang pag-asa
na darating / din ang asam / na hustisya
lalo't iyon / ang pangarap / nitong masa

habang sakay / ng traysikel / ay nagtungo
roon upang / tupdin yaong / pinangako
naglilingkod / pa ring buo / ang pagsuyo 
inaasam / na di basta / lang maglaho 

mapanatag / ang kanilang / puso't diwa
sa maraming / isyu't asam / ay ginhawa
kasama ng / maralita't / manggagawa 
kapitbisig / sa layunin / at adhika

may "feet off please" / pang kanilang / bilin dito
kaya ito'y / sinunod ko / ngang totoo
buti't bulsa'y / may barya pang / naririto
pinambayad / sa drayber ng / sinakyan ko

- gregoriovbituinjr.
11.19.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/vXzAaYN0fk/ 

Lunes, Nobyembre 18, 2024

Sa mga nag-ambag ng tulong

SA MGA NAG-AMBAG NG TULONG

sa panahong ito ng kagipitan
ay naririyan kayong nag-ambagan
nagbigay ng inyong makakayanan
nang lumiit ang aming babayaran

magmula petsa Oktubre Bente Tres
nasa ospital na kami ni misis
na sa kanyang sakit ay nagtitiis
dal'wampu't pitong araw na, kaybilis

bagamat nangyari'y nakaluluha
sakit ay tinitiis niyang sadya
ay gagawin ko ang kayang magawa
upang sakit niya'y di na lumala

tulad ng paghinging tulong sa inyo
pati paglalakad ng dokumento
sa mga pulitiko, PCSO
sa ibang malalapitang totoo

sa lahat ng nag-ambag ng tulong po
pasasalamat nami'y buong-buo
nang si misis sa sakit ay mahango
pasasalamat nami'y taospuso

- gregoriovbituinjr.
11.18.2024

Linggo, Nobyembre 17, 2024

Dagdag dugo muli

DAGDAG DUGO MULI

mababa na naman ang kanyang hemoglobin 
di pa abot ng otso, nasa syete pa rin
dapat ay dose, ang normal na hemoglobin 
kaya isang bag pa ng dugo'y isinalin

pandalawampu't limang araw namin doon
sa ospital, at nagninilay pa rin ngayon 
bakit ba laging mababa ang antas niyon
kaya ngayon, muling ginawa'y blood transfusion 

umaasa pa ring gagaling din si misis
mula sa sakit niyang kaytagal tiniis
problemang kinakaya kahit labis-labis
animo'y tinik sa dibdib na di maalis

kalagayan ni misis nawa'y bumuti na
at hemoglobin niya'y mag-normal na sana

- gregoriovbituinjr.
11.17.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/vVGAOey08J/ 

Palaisipan at payo

PALAISIPAN AT PAYO

lahat ng problema'y may kasagutan
kumbaga sa tanong, sinasagutan
tulad din ng mga palaisipan
salita'y hanapin ang kahulugan

nagpapayo sa mga problemado
bata, matanda, karaniwang tao
bigyang tugon ang mga tanong nito
na pinag-iisipan ding totoo

sa payo't palaisipan, salamat
pagkat kayrami nang nadadalumat
samutsaring damdamin, dusa, sumbat
ligalig, lungkot, paghihirap, gulat

tara, krosword ay atin ding laruin
pagkat ito'y malaking tulong na rin
baka payo nila'y payo sa atin
talastasan itong dapat alamin

- gregoriovbituinjr.
11.17.2024

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Nobyembre 17, 2024, p.10

Pagtula habang nasa ospital

PAGTULA HABANG NASA OSPITAL

inaaliw ko ang sarili sa pagtula
sa ospital, kay misis ay nagbabantay pa
dito sa silid ay maraming nakakatha
suwero, higaan, pagkain, medisina

pati na samutsaring terminong medikal
ay nababatid pag doktor ay pinakinggan
na mga salitang ngayon ay inaaral
at aking isinasalin sa panulaan

ano ang blood clot, blood transfusion, blood extraction
infection of blood, bakit malapot ang dugo
matindi rin ang lagi niyang menstruation 
na madalas sa pad ang dugo'y buo-buo

bituka'y barado, inoperahan siya
hemoglobin niya'y syete, imbes na dose
rare case, ang sabi ng mga doktor sa kanya
nakikinig na lang ako't walang masabi

- gregoriovbituinjr.
11.17.2024

Sputum at rectum

SPUTUM AT RECTUM

maraming terminong medikal
ang natutunan sa ospital
halimbawa nito'y sputum
at laging narinig na rectum

na plema pala ang sputum
habang rectum naman ay tumbong
sinusuri ang ihi't dumi
anong kulay ng plema't tae

naalala ko sa sputum
at rectum ang Rerum Novarum
na noon pa'y nababatid ko
sulat ng Papa sa obrero

kaya sa tagal sa ospital
kayraming salitang medikal
ang akin nang natututunan
lalo't ospital na'y tahanan

iyang thrombosis of the portal
splenic and mesenteric veins
acquired hospital pneumonia
bacteria, anemia, mayoma

blood extraction, mga termino
pang ngayo'y inuunawa ko
habang nakabantay kay misis
na sa sakit ay nagtitiis

- gregoriovbituinjr.
11.17.2024

Sabado, Nobyembre 16, 2024

Hustisya sa biktimang taga-UP

HUSTISYA SA BIKTIMANG TAGA-UP

kahindik-hindik ang nangyari
sa isang staff mula UP
na dahil sa bugbog at palo
buhay ng biktima'y naglaho

nobyo ang pangunahing suspek
biktima'y nagtamo: traumatic 
blunt injuries sa dibdib, leeg
balitang nakapanginginig

nasabing magkatipang iyon 
magkasama raw sa La Union
bago pa umakyat ng Benguet
subalit nangyari'y kaylupit 

ang sigaw natin ay hustisya
hustisya'y kamtin ng biktima
katarungan sa binibini
hustisya sana'y hindi bingi

- gregoriovbituinjr.
11.15.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Nobyembre 15, 2024, pahina 1 at 2

Ang kadakilaan, ayon kay Mike Tyson

ANG KADAKILAAN, AYON KAY MIKE TYSON 

dalawang larawan ang naroong ipinakita
si Floyd Mayweather na bodyguard ang mga kasama
at si Manny Pacquiao na napalibutan ng masa 

habang nasa gitna yaong sinabi ni Mike Tyson
hinggil sa kadakilaan, kaygandang laman niyon
na pag pinagnilayan mo'y kaybuting nilalayon

sinong dakila, sino nga ba ang tunay na baliw
anang isang awiting Pinoy na nakakaaliw
at mababatid sa masa sino ang ginigiliw

si Mike Tyson ang isa sa mga iniidolo
sa heavyweight ng isports na boxing sa buong mundo 
sinabi niyang iyon ay pinagtiwalaan ko

na ang pagiging dakila'y pagkilala ng bayan
at di pagsanggalang ng sarili sa mamamayan
salamat, Mike, sa kahulugan ng kadakilaan 

- gregoriovbituinjr.
11.16.2024

* litrato mula sa fb page ng Boxing TV
* Mike Tyson: "Greatness is not guarding yourself from the people; greatest is being accepted by the people."

Laro sa app game ng selpon

LARO SA APP NG SELPON

habang nagbabantay sa ospital 
sa selpon ay naglalaro ng app
nang di mainip o matigagal
madaling araw o gabing ganap

pinaglalaro muna ang isip
di makatulog, nais humimbing
kung anu-ano ang nalilirip
na nais tulain habang gising

nagninilay habang naglalaro
habang minsan ay nakatulala
sa laro't utang ba'y mahahango
isipin anong dapat magawa 

at pag may nanilay sa maghapon
ay tiyak may tulang laan doon 

- gregoriovbituinjr.
11.16.2024

* litrato mula sa app game na Twisted Rope, Level 29

Banderang Tad-Balik

BANDERANG TAD-BALIK

sa isang rali ko iyon nakunan
baliktad ang watawat ng samahan
pinuna agad ang mga may tangan
kaya agad nilang inayos naman

baka sa rali nababaguhan pa
sa init ng araw pinayong nila
unang beses tumangan ng bandera
subalit handa sa pakikibaka 

sila'y pinakiusapan lang natin
di sinigawan maging sila'y lumpen
ang mahalaga sila'y nakinig din
silang kaisa sa ating mithiin

baliktad man yaong sa KPML
ang layunin nila'y di mapipigil
na sa puso't diwa nakaukilkil 
na ang bulok na sistema'y masupil

- gregoriovbituinjr.
11.16.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa isang rali sa Commonwealth Avenue, Lungsod Quezon, kasabay ng panawagang Climate Emergency, Nobyembre 15, 2024 ng umaga
* KPML - Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod

Huwebes, Nobyembre 14, 2024

Ligalig

LIGALIG 

Kahapon, Nobyembre 13, alas-kwatro pa lang ng madaling araw ay nagtungo na ako sa Lung Center sa Quezon Avenue upang pumila sa PCSO. Hihingi sana ako ng tulong sa PCSO dahil malaki na ang hospital bill sa ospital. Nakaratay si misis doon.

Subalit sabi ng gwardya, wala na ang PCSO roon since pandemic. Nabigla ako.

Saan lumipat, tanong ko. Sa Shaw Blvd sa Mandaluyong. Kaya agad akong lumabas sa Lung Center, sumakay ng dyip hanggang Edsa.

Agad sumakay ng MRT patungong Shaw Blvd. Pagdating sa Manuela na ngayon ay Star Mall, sa terminal ng dyip, tinanong ko sa driver saan ang PCSO. Mga 250 meters lang, pwede mong lakarin.

Ah, kaya hindi na ako sumakay ng dyip. Nilakad ko na lang. Hanggang matanaw ko ang gusaling may malaking nakasulat na PCSO. Pasadong alas-singko na ako nakarating.

Pinadaan ako sa likod ng PCSO, habang may gwardya rin sa harap. Nabigyan ako ng guard ng stub number 4. Ibig sabihin, pang-apat ako sa pila. Sinabi rin ng guard na walang walk-in. Nakupo. walk-in ako. Aba'y dalawang linggo na kaming nag-aabang sa onlayn. Kaya sabi ni misis, pumila na lang.

Alas-otso pa pala ang bukas, kaya higit dalawang oras din akong naghintay. Bago mag-9 ng umaga ay tinawag na ako. Nag-usap kami ng taga-PCSO. Wala munang walk-in, sabi niya. Nilabas ko ang mga dokumento. Tiningnan niya iyon at nagbigay lang ng payo subalit sinabi niyang pulos onlayn na ang transaksyon sa PCSO.

Ikasiyam ng umaga, lumabas na ako ng PCSO. Nilakad ang patungong MRT. Sumakay patungong Cubao station.

Aba'y nakalampas ako ng baba. Hindi ko napansing Cubao na pala. Tumayo ako nang umandar na muli ang tren patungong sunod na istasyon. Nakita ko ang QMart. Kaya nakalampas nga ako. Bumaba na ako sa GMA-Kamuning station.

Sumakay muli pabalik ng Cubao. Pagdating ng Cubao ay sumakay ng dyip pabalik sa ospital.

Marahil kaya ako nakalampas ay ligalig na ako, kaunti rin ang tulog. Paano ba mababayaran ang higit Isang milyong pisong halaga ng hospital bill, gayong pultaym akong tibak. Si misis ang may sweldo bilang social worker.

Dahil ako ang asawa, sa pangalan ko naka-address ang sulat mula sa billing station. Ako ang sinisingil. Sinisingil ay isang pultaym na tibak. Paano ka hindi maliligalig? Buti, hindi ako natatabig ng sasakyan o nabubundol habang tumatawid.

naliligalig, litong-lito na
natutulala, grabe talaga
sa ospital, milyon ang halaga
ng paggamot kay misis, di ko na
alam saan kukuha ng pera

aktibistang pultaym ang tulad ko
kumikilos gayong walang sweldo
nasa ospital pa ang misis ko
mga babayaran ba'y paano
subalit lahat ay gagawin ko

sa PCSO aking nilakad
ang mga dokumentong kinalap
mga ahensya'y puntahang sukat
ligalig at pagod man sa lakad
ay gagawin ko pa rin ang lahat

- gregoriovbituinjr.
11.14.2024

Miyerkules, Nobyembre 13, 2024

Pabahay at karapatan, pinaglaban ni Ka Edwin

PABAHAY AT KARAPATAN, PINAGLABAN NI KA EDWIN

mahahalagang isyu ang ipinaglaban
ni Ka Edwin: ang pabahay at karapatan
nais niya'y maayos na paninirahan
at maitayo ang makataong lipunan

di dapat maagrabyado kahit dukha man
mga nanay ng na-EJK, tinulungan
naaapi'y tinuruan ng karapatan
ipinaglaban ang hustisyang panlipunan

mabuting kakosa, mabuting kaibigan
sa mga nakasalamuha n'yang lubusan
sa PhilRight, ZOTO, KPML, PLM man
TFD, Ex-D na kanyang pinamunuan

taaskamaong pagpupugay, comrade Edwin
daghang salamat sa pinagsamahan natin
sa marami, bayani kang maituturing
mga pinaglaban mo'y itutuloy namin

- gregoriovbituinjr.
11.12.2024

* ito ang ikalawang tulang binasa ng makatang gala noong lamay ng Nobyembre 12, 2024
* kuha ng isang kasama ang litrato sa isang pulong ng Ex-D sa Sampaloc, Maynila
* EJK - extrajudicial killings
* ZOTO - Zone One Tondo Organization
* KPML - Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod
* PLM - Partido Lakas ng Masa
* TFD - Task Force Detainees (of the Philippines)
* Ex-D - Ex-Political Detainees Initiative

Martes, Nobyembre 12, 2024

Infusion complete

INFUSION COMPLETE

pag tumunog na ang aparato
"infusion complete", ang sabi rito
ang nars ay agad tatawagin ko
dextrose na'y tatanggaling totoo

kayraming suwerong nakakabit
kay misis, tila paulit-ulit
mga pasa sa braso'y malimit
turok dito't doon, anong sakit

patuloy lang akong nagbabantay
sa ospital, dito naninilay
ang maraming tula't bagay-bagay
sana'y gumaling na siyang tunay

pandalawampu't isang araw na
namin sa ospital, umaasa
akong siya'y gagaling talaga
sa sakit na dinaranas niya

- gregoriovbituinjr.
11.12.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/vOmcTYVzly/ 

Pagpupugay kay kasamang Edwin

PAGPUPUGAY KAY KASAMANG EDWIN

taaskamaong pagpupugay, comrade Edwin
na higit dalawang dekada ang nagdaan
noong dumalaw kayo ni Omar sa akin
habang hinihimas ko'y rehas sa piitan

tandang-tanda ko pa ang pangyayaring iyon
sa piitan tayo unang nagkakilala
hanggang dumating din ang asam na panahon 
ng paglaya't muling naging lingkod ng masa 

sa Ex-D Initiative, ako'y niyaya mo
sa grupo ng dating political prisoners
at doon kumilos, aktibong naging myembro
sigaw natin: Free All Political Prisoners!

pagpupugay, Ka Edwin, sa iyong pagpanaw 
isa kang inspirasyon sa mga kauri
ang mga nagawa mo'y magsisilbing tanglaw 
paalam, Kasamang Edwin, hanggang sa muli

- gregoriovbituinjr.
11.12.2024

Lunes, Nobyembre 11, 2024

Bone marrow biopsy

BONE MARROW BIOPSY

isinagawa kagabi
ng mga doktor
yaong bone marrow biopsy
sa aking misis
bone marrow pala'y bulalo
ng ating buto
pangatlong testing na iyon
sa isyung blood clot
o pamumuo ng dugo
na nagbara na
sa kanyang mga bituka
di makapasok
ang nutrients at oxygen
baka mabulok
ang ilang mga bahagi
niyong bituka
pag di agad naagapan
nag-surgery na
hanggang ngayon di pa batid
ng mga doktor
ang sanhi bakit nag-blood clot
sa may bituka
negative ang unang testing
at pangalawa
ikatlo pag nag-positive
matutukioy na
ang sanhi ng pagba-blood clot
nang malapatan
na ng kaukulang lunas
upang si misis
ay gumaling na sa sakit
na dinaranas

- gregoriovbituinjr.
11.11.2024

Linggo, Nobyembre 10, 2024

Salà ng ina

SALÀ NG INA

ano kayang klase siyang ina?
na binugaw ang apat na anak
na edad dalawa, apat, anim
at panganay na labingdalawa

paglabag na iyon sa OSAEC
o batas na Online Sexual Abuse
and Exploitation of Children, bakit
niya nagawa'y salang kaylupit 

sadyang kawawa ang mga bata 
sa nakagugulat na balita 
sa hirap ng buhay, ang nagawa
ng ina'y krimen, kaytinding salà

paano pag anak na'y lumaki?
sila kaya sa ina'y kakampi?
ang ina ba nila'y masisisi?
o salang ito'y isasantabi

- gregoriovbituinjr.
11.10.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, 11.10.2024, p.2